-- Advertisements --

Nilinaw ng abogado at tagapagsalita ni Leyte Representative Martin Romualdez na wala pang naihahaing kaso laban sa mambabatas kaugnay ng mga ulat tungkol sa umano’y reklamo laban dito.

Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Ade Fajardo na ang lumabas sa balita ay tumutukoy lamang sa paghahanda ng isang reklamo at hindi pa ito pormal na naihahain sa Office of the Ombudsman.

Ayon kay Fajardo, sa kasalukuyan ay wala pang natutukoy na “probable cause” at wala pang anumang desisyon o pananagutan na ipinapataw laban kay dating Speaker Romualdez.

Iginiit ni Atty. Fajardo na iginagalang nila ang proseso ng Ombudsman at handa silang makipagtulungan sakaling magkaroon ng pormal na imbestigasyon. 

“ We want to emphasize that, to-date, there is no evidence linking Rep. Romualdez to any ghost and substandard projects pertaining to the flood control issue. 

We remain confident that these matters will be resolved based on evidence and due process—not politics or speculation,” pahayag ni Atty. Fajardo. 

Dagdag pa niya, umaasa silang susundin ang panuntunang ipinatupad noong ang Ombudsman ay kalihim pa ng Department of Justice (DOJ) kung saan dapat lamang ituloy ang mga kaso na may “reasonable certainty of conviction.”

Binigyang-diin din ng kampo ni Romualdez na wala pang ebidensiyang nag-uugnay sa mambabatas sa umano’y ghost at substandard na mga proyekto kaugnay ng flood control.

Sa huli, nagpahayag ng kumpiyansa ang kampo ni Romualdez na mareresolba ang isyu batay sa ebidensiya at tamang proseso ng batas, at hindi sa pulitika o haka-haka.

“ We respect the processes of the Office of the Ombudsman and will fully cooperate if and when a formal proceeding is initiated.  We trust that the Ombudsman will fully adhere to the circular that he instituted and signed as then Secretary of the Department of Justice, that DOJ prosecutors should only pursue cases with “reasonable certainty of conviction,” dagdag pa ni Atty. Fajardo.