Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Navotas City na walang kaso ng meningococcemia sa lugar matapos mag-negatibo ang batang pinaghihinalaang tinamaan ng naturang sakit.
Hinimok ng local government unit ang mga residente nito na sundin ang payo ng mga otoridad hinggil sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran, gayundin ang pagkain ng masusustansyang pagkain.
“Tinitiyak po namin na walang banta ng meningoccocemia sa ating mga barangay o lungsod. Hinihikayat po namin ang lahat na magkaroon o ipagpatuloy ang healthy habits para mapalakas ang resistensya sa anumang sakit.”
Batay sa resulta ng ginawang test, impeksyon sa bato na may parehong sintomas sa meningo ang tumama sa 9-year old na batang pasyente.
Noong Setyembre nang isugod sa Navotas City Hospital ang menor de edad dahil sa mataas na lagnat, hematuria at facial edema.
Pero hindi ito gumaling sa mga binigay na gamot at nagpositibo pa sa dengue.
Matapos ang ilan pang ginawang tests sa sitwasyon ng bata, natukoy na hindi ito sanhi ng meningococcemia.