Inaasahang magkakaroon ng scheduled meeting si VP-elect Sara Duterte-Carpio kasama ang lahat ng dating Vice President upang talakayin ang ilang mga isyu.
Pormal na magsisimula ang termino ni VP Sara bilang bise-presidente sa tanghali ng June 30 kasabay ng pagbaba sa pwesto ni VP Leni Robredo.
Ayon sa tagapagsalita ni VP-elect Sara na si spokesman Reynold Munsayac walang naka-schedule na face to face meeting kay VP Leni Robredo bago ang June 30 subalit mayroon aniyang plano na imbitahan ang lahat ng naging VP ng bansa para sa isang fellowship lunch.
Layon aniya nito na talakayin ang usapin sa security mula sa VPSPG o ang Vice Presidential Security and Protection Group at ang “planned Vice President’s Museum.”
Subalit nilinaw nito na ang nakadepende ang naturang pagpupulong sa interes ng mga dating VP at sa available schedule ng mga ito.
Kung sakaling ito ay matuloy, ito na ang kauna-unahang pagpupulong sa pagitan nina Robredo at duterte simula noong 2015.
Samantala, pansamantalang gagamitin muna ni incoming VP Sara ang Quezon City Reception House (QCRH) bilang kaniyang temporaryong opisina habang naghahanap pa ang kaniyang kampo ng magiging permanent residence ng OVP.










