-- Advertisements --

Kalakip ang panalangin para sa pandaigdigang kapayapaan, nakiisa si Vice President Sara Duterte sa mga Muslim sa Pilipinas at sa Middle East sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr ngayong Biyernes, Marso 20.

Sa kanyang opisyal na mensahe, pinuri ng ikalawang pangulo ang dedikasyon at sakripisyo ng Muslim Ummah matapos ang matagumpay na pag-aayuno sa pagtatapos ng holy month ng Ramadan.

Bukod sa pagpupugay sa pananampalataya ng mga Muslim, kinilala rin ng opisyal ang katatagan at kasipagan ng mga Pilipino na patuloy aniyang nagiging mapagkukunan ng karangalan ng bansa.

Binigyang-diin din ni Duterte ang pangangailangan ng pagkakaisa upang isulong ang kaligtasan ng lahat.

Umaasa si Duterte na ang mga aral ng Ramadan ay magsisilbing inspirasyon upang makabuo ng isang komunidad na inclusive, ligtas, at nakatuon sa pagtutulungan para sa kabutihan ng nakararami.