Ibinahagi ng content creator na si Vinz Jimenez ang mga aral na kanyang natutunan matapos ang kontrobersiyal na video na kanyang in-upload noong Disyembre, kung saan inakusahan niya ang kanyang dating kasintahan ng cheating.
Ayon kay Jimenez, hindi niya layuning sumikat kundi magbigay ng kamalayan tungkol sa isyu ng panloloko pagdating sa relasyon.
Sa isang panayam ni Ogie Diaz, sinabi ni Jimenez na kanyang binura na ang naturang video, bagama’t patuloy pa rin itong kumakalat sa social media matapos mai-save ng ilang netizen. Ilan din sa mga pahayag ng kanyang dating nobya sa video ang naging memes sa social media.
Ayon kay Jimenez, ginawa nya ‘yun para hikayatin ang mga tao na maging tapat sa kanilang mga relasyon at iwasan ang manloko.
Aminado rin ang content creator na maaaring nabulag siya ng pagmamahal kaya hindi niya agad napansin ang mga “red flags” sa kanilang relasyon.
Ipinaliwanag din niya na isa sa mga dahilan kung bakit niya in-upload ang video ay upang malaman na naloloko rin ang mga lalaki.
Ayon pa kay Jimenez, natutunan niyang maging mas maingat sa pakikipagrelasyon ngayon at mas mahalagang kilalanin nang lubos ang background ng isang tao kabilang ang pamilya, mga kaibigan, at maski mga ka-trabaho.
Sa kabila ng batikos na natanggap, iginiit ni Jimenez na wala siyang pinagsisisihan sa pag-upload ng video, ngunit tiniyak niyang ito na ang huli niyang pagbabahagi ng ganitong uri ng personal na karanasan online.











