Kinumpirmang nasawi ang tatlong seaman na Indian, na una nang iniulat na nawawala, matapos maglunsad ng airstrike ang militar ng Estados Unidos sa Gulf of Oman.
Tinarget sa naturang pag-atake nitong Miyerkules ang oil tanker na MT Settebello na may watawat ng Palau.
Ayon sa US military, inatake ang barko dahil sa kabiguan nitong sumunod sa mga direktiba ng American forces, bunsod na rin ng hinalang nagdadala ito ng langis mula sa Iran.
May kabuuang 24 na tripulanteng Indian ang sakay ng oil tanker nang maganap ang insidente, kung saan ligtas namang nasagip ang 21 sa kanila.
Tinagurian naman ni Indian Shipping Minister Sarbananda Sonowal ang trahedya bilang “deeply unfortunate.” Tiniyak din niya na kasalukuyan nang inaayos ang repatriation o pagpapauwi sa mga labi ng tatlong nasawing Indian nationals.
Dahil sa insidente, opisyal nang ipinatawag ng gobyerno ng India ang deputy head ng US mission sa Delhi upang maghain ng protesta. Ito na ang ikalawang barkong may mga tripulanteng Indian na inatake ng puwersa ng US sa loob lamang ng linggong ito.













