-- Advertisements --

Naglaan ang US government ng P65Million bilang grant sa Pilipinas upang mapalakas ang energy security at suporta sa mga conservation efforts sa mga Probinsya ng Cagayan at Isabela.

Ang dalawang probinsya ay dalawa sa mga pangunahing pagtatayuan ng mga bagong EDCA sites sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa isang statement na inilabas ng US Embassy in Manila, sinabi ng United States Agency for International Development (USAID) na ang nasabing grant ay upang matulungan ang pamahalaan na makapagpatayo ng mga renewable energy technologies, katulad ng mga solar roofing at nano generators sa dalawang nabanggit na probinsya.

Sa pamamagitan nito, naniniwala ang USAID na mas mabilis na makakapaghanda at makakarecover mula sa mga kalamidad ang mga malalayong komyunidad.

Naniniwala ang USAID na ang energy security ay pondasyon ng pag-unlad ng mga komyunidad, dahil naitatayo ang ibat ibang pasilidad katulad ng mga banko, telecommunications, digital platform, transportation, at iba pa.