
CEBU CITY – Plano ng Police Regional Office Region 7 (PRO-7) na anyayahan ang administrasyon ng University of the Philippines-Cebu matapos ang nangyaring kilos protesta kahapon sa harap mismo ng kanilang campus.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PRO-7 Regional Director Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro, sinabi nitong anyayahan nila ang UP-Cebu administration upang mabigyan ng linaw kung suportado ba nila ang nangyaring protesta.
Aniya, isang state university ang UP kaya diumanoy dapat maging makabayan ito at hindi susuporta sa kahit anong anti-government protests.
Gayunpaman, nilinaw ni Ferro na karapatan din nila ang magsagawa ng protesta base sa Bill of Rights.
Ngunit sa panahon ng pandemya, hiling ng heneral na iwasan ang mass gathering upang malayo sa kontaminasyon ng coronavirus disease 2019.
Paliwanag pa nito, hindi nila inaresto ang mga raliyista dahil sa isinagawang kilos protesta, kundi dahil sa community quarantine protocol na isa na rito ang mass gathering.
Habang, ngayong araw ay isasailalim sa inquest proceeding ang walong mga arestado na nasa kustodiya pa rin Cebu City Police Office temporary detention cell.










