ILOILO CITY – Inireklamo ng isang mayoral candidate ang umano’y talamak na pagbili ng boto na nagaganap sa Miagao, Iloilo at ang planong pamimigay pa raw ng karagdagang pera sa loob mismo ng isang elementary school.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Capt. Marvin Buenavista, hepe ng Miagao Municipal Police Station, sinabi nito na nagpadala ng sulat ang mayoral candidate na si Leopoldo Moragas upang ipaalam ang vote buying na gaganapin ngayong araw sa SK Covered Court sa Miagao Central Elementary School.
Ayon kay Buenavista, hindi na pinangalanan ni Moragas sa kanyang sulat ang kandidato na magsasagawa ng vote buying.
Ngunit nakasaad pa sa liham na marami na ang lantarang vote buying ang nagaganap sa bayan ngayong campaign period.
Magpapadala naman ng police personnel at Commission on Elections officer sa naturang lugar bilang tugon sa report.