Pinaiimbestigahan ni House Senior Minority Leader at Northern Samar Rep. Paul Daza sa Kamara ang National Power Corporation Small Power Utility Group kaugnay sa kanilang pondo.
Hinimok ni Daza ang mga mambabatas na tiyakin na nagagamit ng maayos ang pondo.
Binigyang-diin ni Daza na ang kawalan ng kuryente ay nagdudulot ng malaking epekto lalo na sa mga estudyante, empleyado at nawawalan ng economic opportunities at hindi nai enjoy ang modernong pamumuhay.
Kaya panahon na para alamin ang punot dulo sa kawalan ng kuryente.
Nais din nito mabatid ang umanoy hindi pagkakasundo ng DBM at NPC sa 2023 budget nito.
Ipinunto ni Daza na ang mga fuel suppliers ngayon ay ayaw ng ipagpatuloy ang pakikipag ugnayan sa NPC dahil sa malaking utang na hindi nababayaran na umabot sa P1 billion.
Sa 2023 budget proposal nasa P45 billion ang hiniling nito subalit binawasan ito ng DBM at naging P32 billion na lamang.
Dahil dito nagbabala ang NPC na mas lalong lalala ang kanilang utang sa mga fuel suppliers at posibleng pagsara sa power plant.
Pero tugon ng DBM dito hindi binawasan ang pondo ng NPC bagkus tumaas ang kanilang subsiby budget mula sa P3.8 billion sa P5.07 billion.
Naglabas din ang DBM ng P2.9 billion Special Allotment Release Order sa NPC bukod sa P1.02 billion para sa Small power utility group companiee (SPUG gencos).
Kaya hiling ni Daza ang detalyadong “breakdown” ng nasabing pondo mula sa NPC.
Ayon sa mambabatas panahon na para magkaisa upang matiyak na may sapat na kuryente sa bawat Pilipinong pamilya.