Kinilala at pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang umiiral na bayanihan ng pribadong sektor at mga ordinaryong Pilipino upang umalalay sa mga kababayang apektado ng krisis na dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa pinakahuling vlog ng punong ehekutibo, binigyang-diin nito ang malaking ambag ng mga nagkukusang-loob na magpaabot ng tulong sa pamamagitan ng iba’t ibang inisyatibo.
Partikular na tinukoy ng Pangulo ang muling pagtatayo ng mga community pantry at ang pagkasa ng mga feeding program sa mga lokal na komunidad.
Bukod sa mga organisadong grupo, pinuri rin ni Marcos ang mga indibidwal na tahimik na tumutulong sa kanilang kapwa nang hindi na isinasapubliko o ipinopost sa mga social media platforms.
Ayon sa Pangulo, saludo ang pamahalaan sa ganitong uri ng dedikasyon at pagmamalasakit ng mga Pilipino.
Kasabay ng kanyang pasasalamat, nagbigay ng katiyakan ang administrasyon na patuloy silang kikilos at hindi titigil sa pagpapabuti ng kalagayan ng bansa.
Gayunpaman, inamin ng Pangulo na mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor.
Nanawagan siyang ipagpatuloy ang kawanggawa at suporta ng publiko, lalo na’t nangangailangan ang pamahalaan ng kaagapay sa mga panahong ito.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay nag-uugat sa patuloy na epekto ng kaguluhan sa Middle East, na kasalukuyang binabantayan ng gobyerno dahil sa posibleng epekto nito sa pandaigdigang ekonomiya, gayundin sa seguridad at kabuhayan ng mga Pilipino.
















