-- Advertisements --

Ikinatuwa ng mga transport group na matagumpay ang kamakailang transport strike, matapos sumang-ayon ang gobyerno na muling pag-aaralan ang mga aspeto ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) National President Modesto “Mody” Floranda, sumang-ayon na ang gobyerno upang rebisahin ang Omnibus Franchising Guidelines sa kooperasyon ng iba pang transport sector.

Ang tinutukoy ni Floranda ay ang Department Order 2017-011 o ang Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance, kung saan ang mga transport group ay nagprotesta laban dito.

Kung matatandaan, ang mga transport group ay nagtakda ng isang linggong transport strike mula Marso 6 hanggang 12, upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program.

Pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline hanggang Disyembre 31, 2023 kasunod ng pag-anunsyo ng transport strike, bilang pagsang-ayon sa resolusyon ng Senado at sa kahilingan ni Transport Secretary Jaime Bautista.

Natapos ang isang linggong transport strike, matapos makipagpulong ang mga kinatawan ng PISTON at Manibela kay President Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil at Office of the Executive Secretary Undersecretary Roy Cervantes nang mapag-usapan ang tungkol sa naturang hinaing ng mga transport groups.