
Isinusulong ngayon ng isang mambabatas ang tuluyang pagpapatupad ng deployment ban sa Kuwait.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa kalunus-lunos na sinapit ng overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara sa nasabing bansa matapos na umano’y gahasain, mabuntis, sagasaan ng dalawang beses, sunugin, at itapon ang kaniyang katawan sa isang disyerto ng 17 taong gulang na anak ng kaniyang amo na suspek sa naturang kaso.
Pag-amin ni Senator Raffy Tulfo na tumatayo ring chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, maraming mga Pilipino ang posibleng maapektuhan ng naturang ban dahilan kung bakit dapat aniyang maglatag ang pamahalaan ng mga kondisyon ukol dito upang matiyak na mapoprotektahan ang mga kababayan nating OFW.
Aniya, matapos ang nangyari kay Jullebee at iba pang mga OFW na naging biktima ng pangmamaltrato sa Kuwait ay panahon na para umaksyon ang pamahalaan at hindi aniya dapat na magpalambot-lambot pa ang gobyerno hinggil sa usapin na ito.
Ngunit taliwas nito ay hindi nakikita ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pangangailangan ng pagpapatupad ng deployment ban sa naturang bansa nang dahil sa pagkasawi ni Ranara.
Paliwanag ni DMW Secretary Susan Ople, ang pagpapatupad ng ban sa isang bansa ay dapat aniyang batay sa kaukulang ebidensya dahilan kung bakit aniya nagpadala ngayon ang ahensya ng fact-finding mission upang suriin ang naturang usapin.
Dagdag pa niya, sa kasi aniya na ipatupad ito ng Pilipinas ay nangangahulugan ito ng pagpapahiwatig na galit ang ating bansa sa Kuwait bagay na nais daanin ng kalihim sa maayos na usapan sa pagitan ng dalawang bansa.
Samantala, kaugnay nito ay nagbigay na ng direktiba si Ople na muling repasuhin ang umiiral na bilateral labor agreement ng Pilipinas at Kuwait upang mapaigting at matiyak pa ang proteksyon at seguridad ng ating mga kababayang OFWs.










