Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) sa nangyaring delay sa kanilang reporting ng mga bagong COVID-19 deaths sa tatlong magkakasunod na araw.
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alathea De Guzman, bumagsak ang server ng COVIDKaya System mula Setyembre 23 hanggang noong 26, dahilan ng delay sa encoding at validation process ng mga nasawi.
Sa downtime na ito, hindi rin tinanggap ang mga datos na pinapasok sa COVID Document Repository System (CDRS), hindi rin naging accessible sa mga end users ang COVIDKaya para sa encoding sana ng mga bagong kaso o mag-update sa mga existing na, at hindi rin mahugot ang updated data para sa linelist generation.
Sinabi ni De Guzman na ang nangyaring downtime ay resulta ng limitadong server capacity ng COVIDKaya na mag-handle, tumanggap, at magproseso ng napakaraming datos mula sa CDRS.
Sa kabila ng mga aberyang ito, nagawa pa rin aniya ng DOH na makapagbigay ng daily updates sa case numbers maliban na lamang sa bilang ng mga nasawi.
Nagawa nila ito sa pamamagitan nang manual extraction ng datos mula sa CDRS.










