Bukod sa pagiging “extraordinary housewife” katulad ng paglalarawan ni Sen. Imee Marcos, iginiit ng kampo ni Vice President Leni Robredo na ang second-highest elected official ay extraordinary lawyer din.
Iginiit ni Atty. Barry Gutierrez na bukod sa pasado sa Bar Exam si Robredo ay productive legislator din at totoong degree holder.
Reaksyon ito ni Gutierrez matapos sabihin ni Marcos sa isang panayam na maihahambing niya si Robredo bilang “extraordinary housewife” na hindi dapat maliitin.
Sa naturang panayam, ibinahagi ni Marcos ang ilan sa kanyang opinyon hinggil sa mga kandidato sa 2022 national elections.
Mababatid na makakaharap ulit ni Robredo sa halalan ang kapatid ng senadora na si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, pero sa pagkakataon na ito ay para na sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Bukod kay Robredo, nagpahayag din ang senadora hinggil sa kanyang paglalarawan kay Manila City Mayor Isko Moreno.
Para kay Marcos, si Moreno ay ang paboritong basurero ng bansa dahil sa kanyang nakaka-inspire na istorya.
Si Sen. Manny Pacquiao naman aniya ay mayroong puso ng isang kampeon, si Sen. Ping Lacson ay isang matinik na imbestigador, at si Sen. Ronald Dela Rosa naman ay isang modelo sa mga pulis.