-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay ng militar at pulisya ang isa pa sa mga suspek na tumambang sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr nang mag-engkuwentro ang dalawang panig sa Sitio Lusong,Brgy Dalimbahayan,Maguing.

Kinompirma ni Lanao del Sur Provincial Police Office spokesperson Police Maj. Alvison Mustapha na kabilang si alyas Fighter na nasa listahan nila na tumambang kay Adiong na nag-resulta nang pagkasawi ng apat na security escorts sa pananambang sa bayan ng Maguing noong Pebrero 17.

Sinabi ni Mustapha na si alyas Fighter ay ama ng isang alyas Otin na unang napaslang sa follow up operation ng state forces ilang oras pagkatapos ma-ambush si Adiong na patungo noon sa bayan ng Wao.

Ang nakakalungkot pa ay nadamay ang 5-month old na sanggol at isa pang babae ang sugatan nang magkapalita ng mga putok ang dalawang panig.

Una nang tinumbok ng militar at pulisya ang lokasyon ng grupo ni alyas Fighter subalit papasok pa lang sila sa lugar ay sumalubong na ang mga bala kaya humantong sa mainit na engkuwentro.

Magugunitang nasampahan na ng PNP sa kasong multiple murder at multiple frustrated murder ang grupo ni alyas Figther habang naaresto rin ang tatlo sa pinagdudahan na mga kasama nila sa ambush attack noong Marso 10 lamang sa bayan ng Kalilangan,Bukidnon.