-- Advertisements --

Nasawi ang isang lalaking suspek sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga sa Brgy. Zapote1, Bacoor City, Cavite.

Ito ay matapos na makipaghabulan at manlaban ang suspek na kinilalang si Andy Sacred, 28 anyos, sa pulis na si Police Corporal Carmelito Dominguez na magsisilbi lamang sana ng warrant of arrest laban sa kaniya.

Batay sa ulat ng pulisya, pumalag si Sacred at nagbanta na kanyang itatapon sa mga operatiba ang hawak niyang granada, ngunit nang subukan itong pakalmahin ng mga operatiba ay tumalon ang suspek sa bintana ng kanilang bahay upang makatakas kasabay ng pagtapon ng hawak niyang granada.

Hindi sumabog ang granadang itinapon kaya nagkaroon ng pagkakataon na mahawakan ni Dominguez ang suspek ngunit tinangka naman nitong agawin ang service firearm ng pulis hanggang sa pumutok ito at tumama sa suspek na nagresulta sa kanyang pagkasawi.