Nakatakdang sampahan na ng kaso ng kapulisan ang suspek sa bomb threat sa isang paaralan sa Lungsod ng Quezon.
Ito ay matapos na maaresto ang 22-anyos na suspek na si Elfrank Emil Anthony Bacle Kadusale na Grade 8 Alternative Learning Student (ALS) ng Ponciano Elementary School.
Ayon kay QCPD Director, Police Brigadier General Nicolas Torre III na nagpost ang suspek sa social media nito na gamit ang ibang pangalan na mayroon itong itinanim na bomba sa nasabing paaralan at humihingi pa ng P100,000 na kabayaran.
Agad na nirespondihan ng mga kapulisan at walang nakitang bomba sa lugar at ng magsagawa sila ng follow-up ay natunton ang kinaroroonan ng suspek.
Nabawi rin ang cellphone kung saan nandoon ang kaniyang mga pagbabanta na gagamitin ng kapulisan bilang ebidensiya.
Ilan sa mga kasong inihahanda ay ang paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law, na may kaugnayan naman sa Anti-Cybercrime Law gayundin at robbery extortion.










