Pinuri ni Tourism Secretary Cristina Frasco ang matagumpay na tourism program ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia, ang Suroy-suroy Sugbo sa pagiging modelo pagdating sa pagpapaunlad ng turismo.
Ginawa ni Secretary Frasco ang pahayag kasabay ng kanyang pagdalo sa Suroy-Suroy Sugbo sa isla ng Camotes nitong weekend na dinaluhan din ni Senator Robin Padilla.
Ibinunyag pa ng opisyal na nagbibigay-inspirasyon sa kanya ang nasabing programa para ilunsad ang ‘Suroy-suroy Pilipinas’, na tulad ng Suroy-Suroy Sugbo ay naglalayong bigyan ang mga turista hindi lamang ng pagkakataong bisitahin ang mga pangunahing destinasyon kundi pati na rin ang hindi gaanong kilalang mga destinasyon.
Binigyang-diin pa nito na makakatulong sa isang pamilyang Pilipino ang simpleng paglalakbay o pagbook ng flight at nagbibigay din ng economic opportunities sa kapwa Pilipino.
Nangako naman itong patuloy na suportahan ang mga local government units sa pagsulong ng turismo dahil aniya, ang turismo ang isa sa may pinakamalaking kontribusyon sa ekonomiya at maaaring maging daan ito para sa economic transformation ng bansa.










