-- Advertisements --

May mga natuwa at mayroon ding mga nakulangan sa naging performance ng Canadian pop singer na si The Weeknd na napiling bumida sa Halftime Show ng Super Bowl 55 sa Tampa, Florida.

Halos 10 awitin na pawang upbeat ang pinakawalan ng 30-year-old singer sa harap ng limitadong bilang ng audience.

Suot nito ang matingkad na kulay pulang blazer na tinernuhan ng itim na pantalon, at black-and-white wingtip shoes.

Una niyang inawit ang “Starboy” sa harap ng choir, sinundan ng “The Hills,” at ang “Can’t Feel My Face” kung saan ka-showdown na nito ang maraming dancer na may suot na full-face bandage.

Tinapos nito ang kanyang 13-minute show sa pamamagitan ng smash single na “Blinding Lights.”

Kung maaalala, ang Halftime Show ng Super Bowl ang tila mas higit na inaabangan kaysa sa mismong laro.

Taong 2010 nang magsimula ang career ni The Weeknd o Abel Makkonen Tesfaye sa tunay na buhay at nakasungkit na ng tatlong Grammy Awards.

Kabilang sa mga bigatin nang bumida sa mga nakalipas na Super Bowl noong wala pang pandemya ay sina Katy Perry, Lady Gaga, Beyonce, at noong nakaraang taon ay ang Latina superstars na sina Jennifer Lopez at Shakira.

Samantala, tinanghal na kampeon sa Super Bowl ngayong taon ang Tampa Bay Buccaneers sa pangunguna ng football star na si Tom Brady, sa score na 31-9, kontra 2020 champion na Kansas City Chiefs.

Nabatid na itinuloy pa rin ang naturang pinakamalaking sporting event ng Amerika alinsunod sa babala ng mga public health officials na dapat ay tumalima sa basic health and safety protocols para sa coronavirus pandemic.

Katunayan mula sa sa 65,890 capacity, nasa 30,000 cut-outs at 25,000 fans lamang ang makakapanood kabilang na ang 7,500 nabakunahang healthcare workers na umano’y nakatanggap ng libreng tickets.