Sang-ayon ang pamunuan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa mungkahi ng mga opisyal na mas mahigpit na screening sa bawat Chinese national na pumapasok ng Pilipinas.
Ito’y kaugnay pa rin ng issue ng lumobong populasyon ng Chinese workers sa bansa.
Sa isang panayam sinabi ni Pagcor chair Andrea Domingo, kailangang masala kung sino sa mga pumapasok na dayuhang Chinese ang turista at nais magtrabaho.
Malaki raw kasi talaga ang pagkakaiba sa requirements ng mga ito lalo ang foreign workers.
Ayon kay Domingo, kailangang makapag-secure ng alien employment permit ang kada dayuhan na gustong magtrabaho sa Pilipinas.
Dapat din daw na makita ito ng Bureau of Immigrations.
Aminado ang opisyal na posibleng biktima ng illegal operators ang ilang Chinese workers na may hawak lang na tourist visa.
Nasa kamay na raw ng BI at Department of Labor and Employment, ani Domingo, kung paano nito hihigpitan ang pagbibigay ng visa sa mga dayuhan.