Ipinagpaliban ni Chinese President Xi Jinping ang state visit sana nito sa Japan dahil pa rin sa banta ng 2019 coronavirus infectious disease (COVID-19) sa nasabing bansa.
Nakatakdang bumisita ang Chinese president sa Japan sa unang linggo ng Abril.
Sinabi ni Chief Cabinet Secretary Yoshihide Suga na ililipat na lamang nila sa ibang araw ang naturang state visit.
Dagdag pa nito na napagkasunduan ng dalawang bansa na gawing prayoridad ang pagkontrol sa pagkalat ng sakit. Kinakailangan din umano nilang magtulungan upang maging matagumpay ang pagbisita ni President Xi sa Japan.
Una nang napagdesisyunan ng Chinese government na kanselahin ang taunang National People’s Congress, isa sa pinakamahalagang political events sa bansa, bilang hakbang para huwag nang tuluyan pang kumalat ang virus sa mga dadalo.