Isang lalaki ang inaresto matapos tumaob ang isang speedboat malapit sa Statue of Liberty sa New York, na ikinasawi ng isang ina at kaniyang limang-buwang gulang na sanggol.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente nitong Sabado ng gabi malapit sa Liberty Island. Labindalawang katao ang naiulat na nailigtas mula sa tubig matapos ang insidente.
Kinilala ang mga nasawi na sina Sara Sanchez, 27, at ang kaniyang sanggol na si Antonella Garcia.
Samantala, inaresto naman ang suspek na si Manuel Hernandez, 46, at nahaharap sa 13 counts ng reckless endangerment.
Ayon sa mga federal prosecutor, nasa kustodiya na ng pamahalaan si Hernandez habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sinabi naman ng isang Italian restaurant sa Manhattan na pinapasukan ng asawa ni Sanchez na si Andres Garcia, na naglunsad sila ng online fundraiser para matulungan ang pamilya.











