-- Advertisements --

Sang-ayon si outgoing Senate President Vicente Sotto III sa pahayag ng kanyang mga kasamahan na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa umano’y mga kuwestiyonableng transaksyon ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Layon nito ay upang maalis ang “gray areas” sa batas kaugnay ng government procurement.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos sabihin ni outgoing Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang draft ng Senate blue ribbon committee report sa Pharmally investigation ay maaaring isumite sa Office of the Ombudsman kahit hindi ito inaprubahan ng Senado sa 18th Congress.

Ang tinutukoy niya ay ang P42 billion COVID-19 funds na inilipat ng Department of Health sa Department of Budget and Management Procurement Service.

Sinabi ni Sotto na dapat magkaroon ng batas na magbubura sa mga “gray area” na ito sa proseso ng pagbili ng gobyerno, at idinagdag na ang draft report ay maaaring gamitin sa pagpasa ng mga naturang hakbang.

Samantala, sinabi naman ni outgoing Senator Panfilo Lacson na ang draft report ay maaaring dalhin sa Ombudsman para sa fact-finding investigation ngunit hindi ito makikita bilang opisyal na aksyon ng Senado.

Noong nakaraang linggo, ipinaliwanag ni Drilon na ang draft report ay dokumento pa rin na binalangkas ng isang pampublikong opisyal at sinang-ayunan ng ilan pang senador.

Ipinaliwanag niya na ang anti-graft court ay maghahanap ng probable cause sa pamamagitan ng pagtingin sa mga testimonya at mga dokumentong nakalap sa imbestigasyon at hindi sa draft report mismo.

Sa 18th Congress, inimbestigahan ng Blue Ribbon committee ang paglilipat ng P42 bilyong halaga ng COVID-19 funds mula sa DOH patungo sa PS-DBM.

Ang pagsisiyasat ay pangunahing nakatuon sa pagbili ng PS-DBM ng P8.6 bilyong halaga ng mga face mask, face shield, at PPE mula sa Pharmally, isang kumpanya na mayroon lamang P625,000 na paid-up capital nang pumasok ito sa mga transaksyon ng gobyerno.

Noong Pebrero, naglabas si Gordon ng bahagyang ulat na nagrerekomenda ng mga kasong kriminal laban sa mga opisyal ng Pharmally na sina Linconn Ong at Mohit Dargani, at ilang opisyal at indibidwal ng gobyerno na may kaugnayan sa diumano’y maanomalyang pagbili ng mga supply ng COVID-19.

Iginiit din sa ulat na sinira ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tiwala ng publiko kaugnay ng kanyang mga aksyon may koneksiyon sa multi-billion-peso contracts ng gobyerno sa Pharmally.

Gayunpaman, hindi ito napag-usapan sa plenaryo dahil may ilang miyembro ng komite ang hindi pumipirma sa ulat.