-- Advertisements --
sOTTO CAYETANO FACEMASKS SONA
Senate President Vicente Sotto III and House Speaker Alan Peter Cayetano (Photo by the Office of the Senate President)

Umalma si Senate President Vicente Sotto III sa paninisi ni House Speaker Allan Peter Cayetano na kung magkaroon daw ng reenacted budget, kasalanan ito ng Senado.

Ayon kay Sotto, batay sa kanilang kasunduan ang P4.5 trillion na 2021 budget ay dapat isumite sana sa kanila sa sunod na linggo pero biglang nagdesisyon ang Kamara na isuspinde ang mga sesyon.

Kasabay din nito ang pag-apruba sa second reading sa budget.

Ayon sa lider ng Senado, dapat hindi umano malito ang taongbayan na ang Kamara ang magpapa-delay sa budget sa loob ng isang buwan.

Binigyang diin pa ni Sotto, kailanman “never” umanong dapat isisi ito sa Senado dahil ang Kamara ang nag-aaway sa speakership.

Sinabi pa ni Sotto, hindi katanggap-tanggap na ibunton sa mga senador ang naturang sisi.

Sa sunod na linggo ay nakatakdang magbigay ng kanyang privilege speech si Sotto sa plenaryo ng Senado ukol sa problema nang pagpasa sa 2021 national budget.

“The nerve! Passing the blame, it’s unacceptable!” ani Sotto.

“Do not be misled. The HOR has delayed the budget for a whole month. No one can ever blame the Senate for this delay. NEVER!” pahayag pa sa kanyang Twitter account.

Una rito sa kanyang Facebook message kagabi, humingi nang paumanhin si Cayetano na isang araw lang naman made-delay ang pagsusumite nila ng budget.

Imbes na sa November 16 ito ay sa November 17 na.

“One day lang po ang diperensya and I hope that maging malinaw ito because kung magkakaroon po ng delay o reenactment, it will be because of the Senate not because of the House.”