Maghahain ng resolusyon bukas, Lunes, October 21,2024 si House Deputy Majority Leader, ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, para pa-imbestigahan ang PHILSAGA Mining Corp. dahil umano sa paglabag sa mga karapatan ng mga Indigenous Peoples (IPs) sa kanilang ancestral lands sa Consuelo at San Andres sa Bunawan, Agusan del Sur.
Ang nasabing resolusyon ay humihikayat sa Komite ng Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples at Komite ng Natural Resources ng Kamara na magsagawa ng magkasanib na inquiry, in aid of legislation, sa pagpapalakas ng Republic Act 8371, o ang Indigenous Peoples Rights Act ng 1997 kaugnay ng RA 7942, o ang Philippine Mining Act.
Sa isang pahayag, sinabi ni Tulfo na nakatanggap ang kanyang opisina ng reklamo mula kay Mary Jane Rodrigo-Hallasgo at Amatorio Rodrigo na kumakatawan sa pamilyang Rodrigo ng Bunawan, Agusan del Sur, mga katutubong Manobo, na nagmamay-ari at naninirahan sa lupain sa Consuelo at San Andres, Bunawan, Agusan del Sur.
Batay sa sumbong inagawan sila ng lupa ng nasabing minahan.
Ayon kay Tulfo hindi pwedeng payagan na maabuso ang karapatan ng ating mga kapatid na IPs dahil umpisa pa lamang ay ito na ang isa sa palagi nating binabantayan, ang mga karapatan ng ating mga katutubo na kadalasan wala silang boses lalo na laban sa malalaking kumpanya.
Sa draft na resolusyon, iginiit ng mga mambabatas na kinikilala at pinoprotektahan ng Pilipinas ang mga karapatan ng mga indigenous cultural communities (ICC) sa kanilang mga lupang ninuno, at inaatasan ang estado na ipatupad ang mga prinsipyo ng repormang agraryo at stewardship sa pamamahagi ng mga likas na yaman, na may kaugnayan sa mga naunang karapatan ng mga katutubong komunidad.
Dagdag pa ng resolusyon, mayroon pa ring ilang mga grupo ng ICC/IPs na mahihirap, walang kaalaman, at kapos sa pribilehiyo na walang access sa tamang tulong at madalas na naaabuso, na nangangailangan ng karagdagang proteksyon sa batas.
Hinimok ng mga mambabatas sa komite na agad magsagawa ng imbestigasyon.