Nagpahayag ng suporta at kumpiyansa si Sen. Kiko Pangilinan sa kakayahan ni Sen. Sherwin Gatchalian na maging bagong Senate President.
Sa pahayag na inilabas ni Pangilinan ngayong araw, May 23, nakasaad dito ang kagustuhan ng lahat na kabilang sa Solid Bloc 11 (SB-11), na maging Senate President si Senator Gatchalian.
Ayon kay Pangilinan, napatunayan na ni Gatchalian ang kaniyang kakayahan, lalo na sa mga deliberasyon para sa 2026 national budget.
Nagpapakita lamang ito aniya na kaya niyang protektahan ang pera ng bayan at matiyak na mapupunta ang pondo sa kung saan ito higit na kailangan.
Kung ibabatay din sa prinsipyo aniya, may kakayahan, matatag, at patas si Sen. Win.
Sa praktikalidad, kaya din umano niyang pag-isahin ang isang mas malawak at reform-oriented na Senado, na mas balanse, mas may pananagutan, at katanggap-tanggap kahit sa ilang miyembro ng kasalukuyang mayorya.
Ayon pa kay Pangilinan, maging si Senator Cayetano na kasalukuyang lider ng mataas na kapulungan ay nagpahayag na rin ng kumpiyansa at sinabing maaari niyang iboto si Senator Win bilang SP.
Muling lumutang ang pangalan ni Gatchalian bilang bagong kandidato sa SP, halos dalawang lingo mula noong napunta kay Cayetano ang Senate presidency mula kay dating SP Tito Sotto III. (report by Bombo Jai)
















