-- Advertisements --

Ipinauubaya na ng Malacañang sa Kongreso ang pagpasa ng Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality (SOGIE) Bill.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat maprotektahan ang karapatan ng sino man kabilang na ang mga LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender).

Pero ayon kay Sec. Panelo, bahala na ang mga mambabatas kung isasabatas ang nasabing panukala at hindi ito panghihimasukan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nabatid na nag-viral sa social media ang isang transgender woman matapos pagbawalan ng janitress ng isang mall sa Quezon City na pumasok at gumamit ito ng ladies’ comfort room.

Sa paniwala ng Malacañang, nalabag dito ang Gender-Fair Ordinance ng lungsod.

Nabatid na dalawang dekada na ring isinusulong ng LGBTQ ang pagpapasa sa Anti-Discrimination Bill.