-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng Society of Divine Word (SVD) at ng Arnold Janssen Kalinga Foundation ang mga alegasyong ibinato laban kay Fr. Flaviano “Father Flavie” Villanueva kaugnay ng umano’y pagtanggap ng maletang pera na may kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon sa mga flood control projects.

Sa isang pahayag, sinabi ng SVD na walang katotohanan ang mga paratang laban sa pari, na kinilala bilang Ramon Magsaysay Award recipient dahil sa kanyang pagtulong sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK).

“We categorically deny these allegations. They are false,” ayon sa SVD. Dagdag pa ng kongregasyon, nagsimula na silang maghain ng reklamo laban sa mga responsable sa pagpapakalat ng umano’y maling impormasyon.

Lumutang ang alegasyon matapos tumestigo ang isa sa 18 umano’y dating miyembro ng Philippine Marines sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ng Cayetano bloc.

Personal umanong inihatid ng isa sa mga dating sundalo ang isang sobre na may lamang pera kay Villanueva sa isang simbahan sa kahabaan ng Mindanao Avenue.

Gayunpaman, iginiit ng SVD at ng Foundation na walang simbahan o parokyang pinangangasiwaan ng kanilang kongregasyon sa nasabing lugar na sinasabi ng dating sundalo.

Sa hiwalay na pahayag, nilinaw rin ng Diocese of Cubao na walang parokya o simbahan ng SVD na matatagpuan sa Mindanao Avenue.

Ayon sa diyosesis, ang mga parokyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng SVD sa loob ng kanilang hurisdiksyon ay ang Sacred Heart Parish Shrine sa Kamuning, Sto. Niño de Violago Quasi-Parish sa E. Rodriguez Avenue, at ang Diocesan Shrine of Jesus the Divine Word, na kapwa nasa Quezon City.

Nagbabala rin si Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. laban sa paglaganap ng maling impormasyon.

“Disinformation is the work of the devil, the father of lies,” ani Ayuban.

Hinimok din ng obispo ang publiko na maging mapanuri at tiyaking tama ang impormasyong pinaniniwalaan at ibinabahagi.

Samantala, nanindigan ang SVD at Kalinga Foundation na ipaglalaban nila ang katotohanan at pananagutin sa batas ang sinumang mapapatunayang nagpakalat ng maling paratang laban kay Fr. Villanueva.