-- Advertisements --

PinaIimbestigahan ni Senador Jinggoy Estrada sa Senado ang nangyaring pananambang sa apat na sundalo sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur noong Marso 17.

Sa Senate Resolution 984 na inihain ni Estrada, ay hiniling nito na atasan ang nararapat na komite na gamitin ang oversight function ng Kongreso upang masuri ang pagganap ng militar at mga ahensyang nagpapatupad ng batas para sa pagpapanatili ng kaayusan ng bansa.

Layon ng imbestigasyon na masuri ang kasalukuyang estado ng seguridad at kaayusan sa Mindanao region.

Sinabi ni Estrada, Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, na sa kabila ng paglalaan ng pondo ng pamahalaan para tugunan ang ugat ng rebelyon at karahasang gawa ng mga extremist groups ay nananatili pa rin ang banta sa seguridad at katiwasayan sa rehiyon.

Bagama’t nakagawa ng mga kahanga-hanga at matagumpay na military operations sa pagbuwag sa mga network ng terorista at extremist groups sa buong bansa, sinabi ng mambabatas na may mga bago at naglilitawan na grupo mula sa natitirang puwersa na nagiging hamon sa pambansang seguridad. 

Dagdag ni Estrada, dapat matiyak sa publiko na ang militar at ang mga tagapagpatupad ng batas ay kontrolado ang sitwasyon sa gitna na rin ng banta ng pagpapatuloy ng mga pag-atake.