-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang pondo na P5.268-trillion para sa susunod na taon.

Nasa kabuuang 21 Senador ang bumoto ng pabor sa 2023 General Appropriations Bill (GAB) at walang tumutol.

Dahil ang panukala ay naunang na-certify bilang urgent ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pinapayagan ang Senado na aprubahan ang panukalang batas sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa parehong araw.

Ang pag-apruba ng Senado sa bersiyon nito sa pambansang pondo ay isang linggo makaraang aprubahan ng kamara ang iminungkahing badyet para sa lahat ng ahensya ng gobyerno matapos ang kanilang mga debate at interpelasyon.

Ang panukalang pondo para sa susunod na taon ay 4.9% na mas mataas kumapra sa P5.024 na pondo ngayong taon.

Prayoridad sa 2023 proposed budget ang edukasyon, imprastruktura, kalusugan, agrikultura at social protection.

Sa isang pahayag naman, sinabi ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na ang bicameral conference committee meetings ay magsisimula sa Biyernes upang pagtugmain ang magkasalungat na mga probisyon ng House of Representatives at ng Senado.