Nanindigan si Senator Grace Poe na dapat sumailalim sa mas maalim pa na maintenance at magpatupad ng mas pinalakas na safety protocols ang mga rail systems sa bansa matapos ang halos sunod-sunod na aberya sa mga tren ng Metro Rail Transit (MRT) at ng Light Rail Transit (LRT) nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa senador, ang sunod-sunod na aberya ay nagpapakita lamang na dapat hindi pinapabayaan ang mga operasyon at lalong-lalo na ang mga maintenance ng mga tren.
Ilang mga insidente kasi mula sa mga nakalipas na aberya ay kinabibilangan ng mga isyu sa burning wire, hazard na maaaring maglagay sa mga pasahero sa peligro.
Aniya, bagamat tinatanggap at niyayakap ng bansa ang mga bagong development sa railway system, ang pagsisiguro ng kaligtasan ng mga pasahero ang dapat na mas prayoridad ng mga transport authorities at maging ng mga operators.
Samantala, matatandaan naman na si Poe ay ang naging Chairperson ng Senate Public Services Committee kung saan ipinagtibay niya ang mga karagdagang regular na inspeksyon at preventive maintenance upang maiwasan ang ganitong klase ng disruptions sa mga pampublikong transportasyon.