-- Advertisements --

Ginisa ni Sen. Grace Poe ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) kung bakit nito pinayagan ang isang Chinese firm na makakuha ng kontrata para sa Sangley Airport project sa lungsod ng Cavite.

Ang naturang Chinese firm ay kasama umano sa blacklist ng Estados Unidos para sa mga reclamation activities sa West Philippine Sea.

Sa isinagawang Senate hearing para sa proposed P143 billion budget ng DOTr sa susunod na taon, sinabi ng senador na bukod pa raw sa di-umano’y pagiging sangkot ng nasabing kumpanya sa mga itinayong gusali ng China sa West Philippine Sea, ay nasa blacklist din ito ng World Bank noong 2011.

Pagtatanggol naman ni Transportation Assistant Secretary Giovanni Lopez na ang tinutukoy na proyekto ni Poe ay hindi saklaw ng DOTr ngunit hawak ito ng local government ng Cavite.

Dalawang kategorya aniya ito. Una ay ang kategorya ng Sangley na pinopondohan sa ilalim ng General Appropriations Act na siyang hawak ng DOTr. Habang ang pagbibigay naman ng kontrata ay responsibilidad na ng lokal na pamahalaan ng Cavite.

Dagdag pa nito na ang proyekto sa Sangley ay mayroong Filipino contractor. Kinikilala raw kasi ng batas ang kapangyarihan ng local government na sumali at magkaroon ng ganitong proyekto.

Ayon naman sa mambabatas, maaari pa ring magbigay ng babala ang DOTr sa Cavite tungkol sa reputasyon ng China Communications Construction Co. (CCCC).

Ang P208.5 billion project ay ibinagay noong Pebrero sa consortium ng Lucio Tan’s MacroAsia Corp. at CCCC.