-- Advertisements --

Naniniwala si Sen. JV Ejercito na hindi pag-atake sa kalayaan ng Senado ang naganap na pag-aresto sa kaniyang kapatid na si Sen. Jinggoy Estrada.

Maaalalang kahapon ay sinilbihan ng warrant si Sen. Jinggoy sa loob ng Senado ngunit iginigiit din ng kampo ng senador na siya ay sumuko matapos siyang personal na magtungo sa Kampo Crame kasunod ng lumabas na warrant of arrest sa kaniyang kasong plunder.

Sa isang panayam, sinabi ni Ejercito na hindi dapat ituring ng publiko bilang pag-atake sa Senado ang pagkaka-aresto ng kaniyang kapatid at sa halip ay ituring ito bilang bahagi ng legal process.

Hindi rin aniya ito dapat maka-apekto sa trabaho ng naturang kapulungan na isang legislative body at bilang impeachment court.

Bagaman aminado ang senador na mahirap itong timbangin lalo at si Estrada ay hindi lamang katrabaho kundi isa ring kapatid, naniniwala si Ejercito na ang korte ang pinakamainam na manghuhusga sa kaso ng kaniyang kapatid.

Nanindigan si Ejercito na dapat manaig ang hustisiya dahil ang nakataya rito ay pananagutan at ang pera ng taumbayan.