-- Advertisements --

Naglunsad ng pag-atake ang Russia gamit ang napakalakas at bagong hypersonic ballistic missile sa Kyiv, na kumitil ng apat na katao.

Ito na ang isa sa pinakamatinding pambobomba ng Russia sa Kyiv region mula nang sumiklab ang giyera.

Klinasipika ng Amerika ang Oreshnik missile bilang isang intermediate-range missile, na kayang magdala ng iba’t ibang conventional o nuclear warheads. Ang bilis at trajectory nito ay halos hindi mapigilan ng air defense systems na mayroon ang Ukraine.

Ito na ang ikatlong beses na ginamit ng Russia ang naturang missile.

Ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky, bumagsak ang missile malapit sa siyudad ng Bila Treskva sa central Ukraine. Tinawag ni Zelensky ang Russia na wala na sa tamang pag-iisip at iginiit na hindi nila ito palalampasin.

Ilang world leaders naman ang kumondena sa pag-atake ng Russia sa Ukraine, kabilang sina European Union foreign affairs chief Kaja Kallas, French President Emmanuel Macron at German Chancellor Friedrich Merz, na binigyang diin ang suporta ng Germany para sa Ukraine.

Nangyari ang magdamag na pag-atake sa Kyiv matapos ipag-utos ni Russian President Vladimir Putin ang pagganti sa deadly attack ng Ukraine sa okupadong teritoryo ng Russia.