-- Advertisements --

Nasawi ang dalawang katao matapos tamaan ng rockslide o mabagsakan ng bato ang kanilang bahay sa Rodriguez, Rizal tanghali nitong Miyerkules, Agosto 5.

Bagamat ayon sa Office of the Civil Defense (OCD), isinasailalim pa sa validation ang naturang insidente para matukoy kung ang mga ito ay may kinalaman sa pananalasa ng mga bagyo at hanging habagat.

Kayat sa ngayon ay hindi pa naisasama ang mga ito sa official situation reports ng ahensiya.

Base sa ulat, natukoy na magkapatid ang dalawang biktima.

Ipinaliwanag ni OCD Deputy Spokesperson Diego Agustin Mariano na hindi lamang nakasentro ang epekto ng bagyo sa tinatahak nitong direksiyon sa northern at central Luzon kundi ramdam ang epekto nito hanggang sa Region 9 dahil hinahatak nito ang hanging habagat na nagdadala ng mga pag-ulan sa ibang parte ng bansa.

Katulad na lamang aniya sa probinsiya ng Rizal, na bagamat malayo sa central o northern Luzon, inulan pa rin at nagdulot ng insidente ng rockslide.