-- Advertisements --

Iniimbestigahan na sa ngayon ng mga pulis ang isa pang kaso nang pagtakas ng isang Pilipino sa kanyang mandatory quarantine matapos na dumating sa Pilipinas galing sa ibang bansa.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, Disyembre 22 nang dumating sa Pilipinas ang naturang Pilipino at dapat ay mag-quarantine sa Seda Residences sa Makati.

Pero sa halip na mag-check in doon, nagpahatid lamang aniya ito sa naturang hotel pero mayroon na palang nag-aabang na ibang sasakyan papunta sa kanyang condo sa Bonifacio Global City.

Dagdag pa ni Año, sinasabi rin daw ng naturang quarantine violator na mayroon siyang exemption mula sa Bureau of Quarantine, bagay na itinanggi naman ng naturang ahensya.

Ang ginawa pa nga aniya ng naturang indibidwal ay sa mismomg condo pa nito sa BGC siya nagpa-swab.

Masaklap pa kasi pinagyayabang pa raw nito na ang kanyang quarantine ay isang araw lamang dahil siya raw ay exempted.

Iginiit ng opisyal na obligado ang mga hotels na isumbong ang mga hindi pagsipot ng mga returning overseas Filipinos sa kanilang mandatory quarantine.

Nauna nang sinabi ng Malacanang na magpapataw ng karampatang penalties laban sa mg quarantine violators.

Magugunita na sa mga nakalipas na araw ay usap-usapan din ang pagtakas sa kanyang quarantine hotel ni Gwyneth Chua, isang returning Filipina mula US, na pinaniniwalaang nakapanghawa sa 15 katao matapos na mag-party sa Poblacion, Makati.