-- Advertisements --

Kumilos kaagad sina Public Works Secretary Vince Dizon at Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan para tugunan ang matinding pagbaha sa Fourth Estate, Parañaque.

Personal na nagtungo sina Dizon at Yamsuan sa lugar nitong Linggo, Agosto 9, matapos lumubog sa hanggang baywang na baha ang komunidad dahil sa malakas na ulan noong Sabado ng gabi.

Ayon kay Dizon, agad magpapadala ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng water pump para mabilis na maalis ang baha. 

Magpapadala rin ito ng backhoe upang linisin ang mga daluyan ng tubig na barado ng basura.

Tinalakay din ng dalawa ang mga pangmatagalang solusyon upang maiwasan ang paulit-ulit na pagbaha sa Fourth Estate at iba pang flood-prone areas sa Parañaque.

Nagpasalamat si Yamsuan kay Dizon sa mabilis na aksyon at hinikayat ang mga residente na tumulong sa pamamagitan ng tamang pagtatapon ng basura at hindi pagtatapon nito sa mga creek at waterways.

Kung maalala noong May 18, nagsagawa rin ng inspeksyon sina Dizon at Yamsuan sa mga binabahang lugar sa Parañaque. 

Kabilang dito ang Villanueva Creek, na nilinis gamit ang amphibious excavator upang makatulong na mabawasan ang pagbaha sa Dr. Santos Avenue.

Plano rin ng DPWH ang isang flood interceptor project sa Dr. Santos Avenue, habang pinag-aaralan ang pag-upgrade ng mga lumang dike at pagtatayo ng mga detention basin sa ilalim ng ilang basketball court at open spaces.