Naghain na umano ang Embahada ng Pilipinas ng reklamo laban sa mga amo o employers ni Marcelo Tanyag III, isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia na namatay dahil sa COVID-19 at napabalitang pinabayaan hanggang mamatay.
Sinabi ni Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto, reklamong “neglect” ang inihain laban sa amo ni Tanyag dahil sa umano’y “questionable circumstances” sa pagkamatay ng OFW.
Ayon kay Amb. Alonto, idudulog din nila ang kaso sa Ministry of Human Resource Development para panagutin ang mga dapat managot sa nangyari kay Tanyag.
Sa ngayon ay ginagawa na ng embahada ang lahat para maiuwi ang bangkay ni Tanyag lalo pa’t limitado ang mga flights at matagal ang proseso at paghahanda para sa shipping o paglibing sa Saudi Arabia.
Sisikapin din umano nilang makolekta ang lahat ng benepisyo ni Tanyag lalo ang kanyang end of service benefits.
Sa video na kumalat sa social media, nakita ang OFW na masama ang lagay ng kalusugan, inuubo at nahihirapan sa paghinga.
Inihayag ni Tanyag na nagsimula siyang magkasakit noong Mayo 23 at dinala sa isang clinic pero pinabalik din sa kanilang quarters hanggang sa mamatay na lang na hindi nagagamot at natrato ng maayos.