Nanawagan si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan na gawing regular ang inspeksyon at maintenance ng mga infrastructure project ng gobyerno upang matiyak na nananatiling ligtas at de-kalidad ang mga ito.
Sa House Bill 9780, iminungkahi ni Rep. Yamsuan na magsagawa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng inspeksyon kada 5 hanggang 10 taon matapos makumpleto ang isang proyekto.
Ayon kay Yamsuan, mahalaga ang regular na physical inspection dahil maaaring maapektuhan ang tibay ng mga proyekto ng matinding panahon, sobrang karga at iba pang salik.
Layunin din ng panukala na matugunan ang problema sa mga lumang proyekto na hindi namementena dahil sa mga usapin sa pagmamay-ari ng lupa.
Inaatasan nito ang may-ari o legal na gumagamit ng lugar na payagan ang gobyerno na magsagawa ng inspeksyon, maintenance, pagkukumpuni o rehabilitation.
Ang sinumang hahadlang o hindi makatarungang tatanggi sa access para sa mga gawaing ito ay maaaring pagmultahin ng hanggang P50,000.
Sinabi ni Yamsuan na layunin ng panukala na maprotektahan ang bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan at matiyak na mapapakinabangan nang matagal ang mga proyekto ng gobyerno.










