Parehong naitabla ng NBA (National Basketball Association) defending champion na Toronto Raptors at Denver Nuggets ang kanilang magkahiwalay na serye sa nagpapatuloy na semifinal sa Eastern Conference sa Disney World sa Florida.
Mayroon nang dalawang panalo ang Raptors matapos na itumba ang Celtics sa kanilang Game 4, 100-93.
Nanguna sa diskarte ng Toronto si Pascal Siakam na may 23 points at 11 rebounds.
Umarangkada ng husto ang Raptors pagsapit ng third quarter makaraang magtabla sila ng karibal na Celtics sa pagtatapos sa first half sa 49-all.
Pagkatapos nito, hindi na lumingon pa ang Toronto sa kanilang kalamangan hanggang sa pagtatapos ng laro.
Samantala, tumulong din naman sa opensa sina Serge Ibaka na may 18 points at si Fred VanVleet na nagpakita ng 17 puntos.
Sa panig ng Celtics, nasayang ang 24 points at 10 rebounds ni Jason Tatum.
Ang Game 5 ay itinakda sa Martes, Setyembre 8.
Sa kabilang dako, kumayod ng husto ang Denver upang hindi na maulit ang pagmasaker sa kanila sa Game 1 ng Clippers.
Sa ngayon, naipantay na ng Nuggets ang serye sa tig-isang panalo nang bumuwelta sila sa Clippers, 110-101.
Nagsama ng puwersa sina Jamal Crawford na kumamada ng 27 points at ang Nuggets giant na si Nikola Jokic na nagbuslo ng 26 points at 18 rebounds.
Sa kampo ng Clippers, inalat ng husto ang dating two-time NBA final Most Valuable Player na si Kawhi Leonard na mayroon lamang 13 points.
Habang nasayang naman ang pagpapakitang gilas ni Paul George na nagpakawala ng 22 points.