-- Advertisements --


Pansamantalang isasara sa publiko ang Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilalang Quiapo Church, mula Enero 3 hanggang 6, 2022.

Ito’y sa harap nang pagsirit ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) cases sa bansa.

Kasabay nito ay hinimok ni Rev. Fr. Douglas Badong, ang parochial vicar ng simbahan, ang publiko na iwasan na muna ang pagpunta sa Quiapo Church sa loob ng nabanggit na mga petsa.

Ayon kay Fr. Badong, Enero 7 nakatakdang magbukas ang kanilang simbahan kasunod nang isasagawang disinfection bago pa man ang Pista ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 9.

Ang tatlong-araw na pagsasara ng Quiapo Church ay pakikiisa na rin aniya nila para maiwasan ang paglaganap ng hawaan ng COVID-19.

Una nang naiulat na simula ngayong araw ng Lunes, Enero 3, ay inilagay ng pamahalaan ang Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 3 na tatagal hanggang Enero 15, 2022.