-- Advertisements --

Nanawagan si Deputy Minority Leader at Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate sa liderato ng Kamara na imbestigahan ang plano na i-phaseout ang mga jeep.

Habang nakaamba kasi ayon kay Zarate ang jeepney phaseout, ay may programa rin ang pamahalaan na pondohan ang dalawang pribadong car makers sa paggawa ng mga pribadong sasakyan sa halagang P27 billion.

“This is ironic as it is tragic. Ang mga pobreng drayber at operator na nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa pagtanggal sa kanilang trabaho at kabuhayan ay sasabihan na lang na magtiis at bahala kayo sa buhay nyo samantalang ang malalaking kumpanya ng kotse may subsidy,” ani Zarate.

Sa halip aniya na magkaroon ng subsidiya sa rehabilitation at maintenance ng mga operating jeepneys, mas gusto pa ng gobyerno na tulungan ang mga mayayaman foreign automotive companies sa pamamagitan ng Comprehensive Automotive Resurgence Strategy (CARS).

Sa ilalim ng CARS, sinabi ni Zarate na inoobliga ng pamahalaan ang mga kompanyang Mitsubishi at Toyota na makagawa ng minimum na 200,000 units sa kada brand ng sasakyan sa loob ng anim na taon.

“In the 17th Congress we filed House Resolution 833 to probe this but this was never scheduled for a hearing,” wika ni Zarate.

Dahil dito, iginiit ng kongresista ang kahalagahan na maimbestigahan na ang PUV modernization program upang mapakinggan din ang posisyon ng lahat ng sektor ukol dito.