-- Advertisements --

Iginiit ngayon ng Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez na hindi maiiwasan ang mga nangyayaring aberya at delays dahil sa isang malaking event ang South East Asian (SEA) Games.

Paliwanag ni Fernandez, noong Agosto din lang naibigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang budget para sa renovation ng mga venues ng sports event para sa SEA Games kaya noon lang din nasimulan ang renovation gaya sa Rizal stadium kung saan ay may pagsasaayos pang ginagawa.

Kahit si 1Pacman Rep. Mikee Romero na isa ring partisipante sa SEA Games ay una na ring sinabi na sa delay sa kagkakapasa sa budget dapat isisi ang mga nangyaring aberya at hindi sa mga organizer ng 30th SEA Games.

Giit ni Romero inabot ng lima hanggang anim na buwan ang nangyaring delay sa budget para sa SEA Games sa Senado.

Kung noong Enero pa lang aniya ay naaprubrahan na ang budget, tiniyak na naiwasan ang mga aberya gaya ng napaulat na problema sa logistics at koordinasyon sa hotel.

Una na ring humingi ng paumanhin ang mga organizer at tiniyak na gagawin nila ang lahat para maging matagumpay ang palaro.

Kasabay ng panawagan ng pagkakaisa dahil ang reputasyon ng Pilipinas ang nakasalalay rito.

Tinanggap naman na Cambodia Soccer Team ang pangyayari.

Ayon sa kanilang head coach na si Felix Dalmas, may mga bagay talagang hindi inaasahan at panahon na para mag-move on at mag-focus sa kanilang laro.

Sa isyu naman ng hotel, nagsalita na rin ang pamunuan ng Century Park Hotel, isa sa mga hotel na tutuluyan ng mga atleta para sa SEA Games at nilinaw na late na naipaalam sa mga organizers ang nabagong oras ng pagdating ng football team.

Pero sa kabila nito, nasundo pa rin naman umano agad ang mga atleta at nadala sa naturang hotel pero dahil may standard check in time na alas-2:00 ng hapon ay hindi agad sila nakapunta sa kanilang kuwarto.