Nakahanda ang House prosecution na gamitin ang mga kopya mismo ng Office of the Vice President (OVP) ng liquidation reports upang maiwasan ang pagtatalo sa authentication at mapabilis ang impeachment proceedings.
Ayon kay Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., tagapagsalita ng House prosecution, ang mga dokumento ay nagmula mismo sa OVP at isinumite sa Commission on Audit (COA).
Sinabi ni Tolosa na maaaring paghambingin muna ng dalawang panig ang kanilang mga dokumento at gamitin na lamang ang magkakaparehong records upang hindi na paulit-ulit na patunayan ang authenticity ng mga ito sa pagdinig.
Mahalaga aniya ito dahil libo-libong dokumento ang bahagi ng ebidensya sa Article I. Kung walang kasunduan, maaari pa ring patunayan ng prosecution sa open court ang authenticity ng mga rekord, ngunit mas tatagal ang paglilitis.
Samantala, Inaasahang haharap sa masusing pagtatanong ng prosecution sina Gina Acosta at Edward Fajarda, na nagsilbing Special Disbursing Officers (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ayon kay Atty. Tolosa Jr, itinuturing na hostile witnesses ang dalawa dahil maaaring hindi tugma sa interes ng prosecution ang kanilang panig.
Mahalaga ang kanilang testimonya dahil sila ang personal na tumanggap ng cash mula sa confidential funds.
Nais ng prosecution na malaman kung saan dinala at ginamit ang pera hanggang sa liquidation nito.
Maaari ring gumamit ang prosecution ng leading questions sa pagtatanong sa kanila. Gayunman, ang mga senator-judge pa rin ang magpapasya sa bigat ng kanilang testimonya, kasama ang bank records, liquidation documents at findings ng Commission on Audit.










