CAUAYAN CITY – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Cauayan City Police Station upang alamin kung may naganap na foul play sa lalaking natagpuang patay at nakabigti sa loob ng kuwarto ng bunkhouse na kanyang pinagtatrabahuan sa San Fermin, Cauayan City.
Ang lalaki ay 41-anyos, may-asawa, driver sa isang hardware at residente ng Quezon, Cordon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jonard Navarro, kaibigan at katrabaho ng lalaki, sinabi niya na kasama pa nila itong nag-inuman at habang nag-iinuman ay naglabas ng sama ng loob tungkol sa kanyang pamilya.
Itinatago umano ng kanyang misis ang kanilang anak dahilan kaya palagi siyang balisa.
Hindi na rin umano nakakauwi ang lalaki sa pamilya nito simula nang maghiwalay sila ng kanyang asawa.
Ayon pa kay Navarro, lumabas pa ang lalaki sa kanilang bunkhouse upang bumili ng kape bago bumalik sa kanyang kuwarto.
Dinalaw nito ang kaibigan ngunit nang walang sumasagot sa kanyang pagtawag at pagkatok sa pintuan ay sumilip siya sa bintana ng kuwarto at nakita ang lalaking nagbigti.
Agad namang tumawag ng pulis ang mga kasamahan ng lalaki ngunit wala ng pulso nang dumating ang mga miyembro ng Rescue 922.
Dinala pa rin sa Cauayan District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.