-- Advertisements --

Epektibo ngayong araw, Hulyo 14, ang taas presyo sa produktong petrolyo partikular sa diesel at kerosene, ayon sa Department of Energy (DOE).

Habang ang presyo naman ng gasolina ay maaaring hindi gumalaw o di kaya ay magkaroon ng pagtaas.

Narito ang permitted range adjustments ng DOE:

  • Gasolina: rollback na hanggang P1.00 o dagdag-presyo na hanggang P1.00
  • Diesel: dagdag-presyo na P2.62 hanggang P4.62 kada litro
  • Kerosene: dagdag-presyo na P2.22 hanggang P4.22 kada litro

Ipinaliwanag ng DOE na maaaring mag-iba ang aktuwal na adjustment depende sa bawat kompanya ng langis.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ang patuloy na tensyon sa ibang bahagi ng mundo, kabilang ang banta sa pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz, ay nakaapekto sa presyo ng pandaigdigang krudo.

Dahil dito, tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na may epekto rin sa presyo ng petrolyo sa Pilipinas.

Nauna rito, nagpalitan ng missile at drone attacks ang mga puwersa ng Estados Unidos at Iran sa Gulf noong Linggo, na nagresulta sa pagsasara muli ng Strait of Hormuz.

Posibleng alisin naman ng DOE ang price adjustment range sa susunod na linggo kung magpapatuloy ang pabagu-bagong presyo sa pandaigdigang merkado.

Sa halip na range, maaaring magtakda ang ahensya ng maximum o minimum na halaga ng rollback o price hike, depende sa magiging galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.