-- Advertisements --

Nanganganib na masuspinde o makansela ang prangkisa ng walong kumpanya ng bus na bumibiyahe patungong Bicol Region matapos matuklasan ang iligal na pagtataas ng pamasahe sa gitna ng pagdagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Kinumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa isang press conference nitong Lunes na magpapalabas sila ng show-cause orders laban sa mga inirereklamong kumpanya.

Ayon kay LTFRB Board Member Greg Pua, natanggap na nila ang ulat at hindi palalampasin ang hakbang ng mga bus operators dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng pamahalaan..

Una rito, namonitor ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na nagpatupad ng unauthorized fare hikes ang walong kumpanya noong nakalipas na weekend.

Sa ngayon, patuloy na bine-verify ng LTFRB ang iba pang mga ulat ng illegal fare hikes at mahigpit na hinihikayat ang publiko na direktang i-report sa ahensya ang mga katulad na insidente.

Nagbigay rin ng babala ang opisyal na huwag abusuhin ang mga pasaherong nais lamang umuwi sa kani-kanilang probinsya para sa paggunita ng Mahal na Araw.