Naniniwala si chief presidential legal counsel Salvador Panelo na ligal ang posibleng pagtakbo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagka-bise presidente sa halalan sa susunod na taon.
Ito ay base na rin aniya sa mga nakasaad sa Saligang Batas mismo.
“As there is no textual prohibition for PRRD to run for any elective office save for the presidency, there is no legal justification to bar him to run for vice president,” saad ni Panelo sa isang statement.
Kaugnay nito, pinawi ng opisyal ang mga pangamba na posibleng kontrolin lamang ni DUterte ang Office of the President kapag mahalal bilang bise presidente.
Iginiit ni Panelo na ang pangambang ito ay “illogical” dahil kung sakali mang tumakbo nga sa pagka-bise presidente si Duterte sa 2022 polls ay nangangahulugan lamang ito na layon nitong “protektahan” ang mga Pilipino.
Magugunita na ilang miyembro ng PDP-Laban ang humihimok kay Duterte na tumakbo sa pagka-bise presidente sa halalan sa susunod na taon.
Pero ayon kay Christian Monsod, isa sa mga framer ng 1987 Constitution, taliwas sa ninanais ng Charter ang intensyon na tumakbo pa si Duterte sa pagka-bise presidente.










