Mariing nanawagan si Pope Leo XIV ng kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng tumitinding mga digmaan sa mundo, partikular sa Gitnang Silangan.
Sa isang prayer vigil sa St. Peter’s Basilica, kinondena ng Santo Papa ang digmaan at ang mga nagpapasimuno umano ng kaguluhan na mas pinipili ang pagpapakita ng kapangyarihan kaysa paigtingin ang dayalogo.
Hinimok niya ang mga lider ng bansa na tigilan na ang karahasan at sa halip ay mag-usap upang makamit ang kapayapaan.
“Dear brothers and sisters, there are certainly binding responsibilities that fall to the leaders of nations. To them we cry out: Stop! It is time for peace! Sit at the table of dialogue and mediation, not at the table where rearmament is planned and deadly actions are decided!” saad ng Santo Papa.
Bagama’t hindi siya nagbanggit ng partikular na bansa o pangalan ng lider, malinaw ang kanyang panawagan laban sa patuloy na mga labanan at muling hinikayat ang mga mamamayan na magtulungan sa pagbuo ng isang lipunang nakabatay sa pag-ibig, pag-unawa, at pagkakasundo.
“No sword, no drone, no vengeance, no trivialization of evil, no unjust profit, but only dignity, understanding and forgiveness,” ani Pope Leo.
Maalalang si Pope Leo, ay kilala bilang isang moderatong lider at tagapagtaguyod ng pagkakaisa. Patuloy siyang nananawagan ng de-escalation at diplomatikong solusyon sa mga umiiral na sigalot sa mundo.
















